Isang ordinansa ang kasalukuyang pinag-aaralang isulong ni Acting Manila Mayor Francisco Moreno kung saan ang magulang ang ikukulong sakaling masangkot ang kanilang mga menor de edad na anak sa anumang mga krimen.
Ayon kay Moreno,ang kanyang balakin ay bunga na rin ng nakaaalarmang pagtaas ng bilang ng mga krimen na kinasasangkutan ng mga menor de edad.
Aniya, ang planong ordinansa na “Ang Responsible Parenthood” ay naglalayong paigtingin ang pagiging responsable ng mga magulang sa pangangailangan at pangangalaga ng kanilang mga anak.
Kadalasang nangyayari na ginagamit ang mga menor-de-edad sa iba’t ibang krimen ng mga sindikato dahil hindi naman maaaring kasuhan at ikulong ang mga ito bagama’t ikinokustodiya ng sangay ng pamahalaan.
Nakalulungkot lamang umano ay agad ding napapalaya ang mga ito dahil na rin sa pagiging menor- de-edad.
Ayon kay Moreno sa planong ordinansa, kailangan na imonitor ng mga magulang ang kilos at galaw ng kanilang mga anak upang maiwasan na masangkot sa anumang krimen dahil sila ang ikukulong bilang kapalit.
Sakaling maisakatuparan ito, naniniwala si Moreno na mababawasan ang krimen na kinasasangkutan ng mga menor-de-edad at mababawasan na rin ang mga gang war sa lungsod. (Doris Franche)