Inaresto ng puilsya ang isang opisyal ng pulisya at dalawang sibilyang kasama nito makaraang mangotong at manakot umano sa mga vendors kamakalawa ng gabi sa Marikina City.
Sa kasalukuyan ay pinipigil sa himpilan ng Marikina police si Supt. Noel Pama, nakatalaga sa PNP Maritime Group at mga kasama nitong sina Renato Bistro at Edgardo Bihi matapos na ireklamo ng mga vendors na umano’y nangingikil at nanakot sa kanila.
Sa ulat, dakong alas 11:30 ng gabi ng makatanggap ng sumbong ang Marikina PNP hinggil sa ginagawang pangongotong at pananakot ng nasabing grupo sa mga vendors na nagtitinda ng pirating DVD at VCD sa harapan ng Sanko Wet and Dry Market na matatagpuan sa kahabaan ng Sumulong Hi-way sakop ng Brgy. Sta. Elena ng nasabing lungsod.
Nabatid sa reklamo ng mga vendors na nagtungo sa kanila ang dalawang suspek na sina Bistro at Bihi at nanghihingi ng pera sa utos umano ni Supt. Pama na naiwan sa kanilang sasakyan. Panakot pa ng dalawa na kung hindi magbibigay ay bibilang sila ng sampu at pagbabarilin pa umano nila ang mga vendors na hindi magbibigay.
Dahil dito, mabilis na nagsumbong sa Marikina police ang ilang vendors na agad namang rumesponde sa lugar at inabutan ang nasabing mga suspek.
Sa reklamo na rin ng mga vendors ay inaresto sina Bistro at Bihi, gayundin si Pama at agad dinala sa Marikina PNP upang imbestigahan.
Ayaw namang magbigay ng pahayag ang mga suspek maliban sa sinabi ni Pama na legal ang ka nilang ginagawang operasyon at binalig tad lang umano sila ng mga nasabing vendors subalit hindi naman nito nilinaw kung anong operasyon ang gagawin ng isang nakadestino sa Maritime Group sa nasabing lugar.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang nasabing kaso habang pansamantalang pinipigil sa Marikina PNP ang mga suspek.