168 at Divisoria mall bagsak sa inspeksyon
Bumagsak sa inspeksyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang kontrobersyal na 168 Mall at Divisoria Mall sa Maynila matapos na matagpuan ang napakaraming bayolasyon sa Fire Code of the Philippines na banta sa seguridad ng mga kostumer sa oras na magkaroon ng sunog.
Sa ulat kay Department of Interior and Local Government Undersecretary for Public Safety Atty. Marius Corpus, nangunguna sa mga paglabag ang pagkakaroon ng masisikip na daan at siksikan na mga stalls, nakaharang ang mga paninda sa daan patungo sa mga labasan. Dagdag pa rito ang pagkakatabon ng mga stock ng paninda sa “sprinkler head” ng mga gusali, kakulangan sa fire exit signs, walang “first aid fire protection” at ginagawang stock room ang kisame.
Nabatid na ang mga naturang harang at sobrang pagsisiksikan ay maaaring lumikha ng trahedya dahil sa may 3-4 na minuto lamang ang panahon na maaaring makalabas ang publiko sa oras na sumiklab ang sunog. Sinabi ni BFP-National Capital Region chief, Sr. Supt. Pablo Cordeta na puspusan ngayon ang kanilang inspeksyon sa mga malls lalo na sa mga pinakamatatao kung saan inuna nila ang Divisoria na paboritong destinasyon ng mga masa ngayong papalapit na ang Kapaskuhan.
Binigyan naman ng BFP ng “notice to correct violations” ang pamunuan ng dalawang malls upang maitama ang mga pagkakamali sa madaling panahon. Nagbabala ang BFP na papatawan ng pinakamabigat na kaparusahan ang may-ari at management ng malls sa oras na hindi sumunod sa batas. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending