Double dead na manok nasamsam
Kinumpiska ng pinagsanib na puwersa ng National Meat Inspection Service (NMIS) at Manila Police District-Station 11 ang halos 20 kilo ng double-dead na dressed chicken sa mga vendor sa Tondo, Maynila.
Nabatid na sorpresang inspeksiyon lamang ang isinagawa ng mga operatiba nang madiskubre ang kakaibang hitsura ng mga manok na ibinebenta ng ilang vendor kaya agad itong sinuri ng NMIS dakong alas-5:05 ng umaga sa Juan Luna at Ayala Sts. sa Tondo, Maynila.
Nabatid na hindi ligtas kainin ang mga naturang manok, na bukod sa marumi umano ang mga pinaglalagyan at maging ang histsura ng mga manok, ang pagiging double dead umano nito ay maaring magdulot ng sakit sa mga makakakain.
Sinabi ng pulisya na aaraw-arawin nila ang sorpresang inspeksiyon upang makatiyak na hindi makakapagsamantala ang mga negosyante ngayong nalalapit ang Kapaskuhan.
Ang area umano ng Divisoria ay isa lamang sa pinagbabagsakan ng mga double dead na karne ng baboy at manok, bukod sa palengke ng Blumentritt at palengke ng Pasay City kaya nila ito binabantayan. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending