Pulis, 1 pa timbog sa holdap
Dalawa katao kabilang ang isang bagitong pulis ang inaresto ng pulisya matapos umanong holdapin ang isang empleyado ng BIR, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City. Nakilala ang mga suspek na sina PO1 Rodolfo Llacona, Jr., 28, nakatalaga sa (PNP-NHQ-HSS) Camp Crame at Adan Maquirang, 40 , kapwa naninirahan sa Bagong Silang ng nabanggit na lungsod. Isa pa nilang kasamahan na mabilis na nakatakas ang pinaghahanap ng mga aworidad. Nakilala naman ang biktima na si Teresita Gregorio Sebastian, 47, ng Del Ray Subdivision, Camarin, ng nabanggit na lungsod. Naganap ang insidente dakong alas -8:00 ng gabi sa kahabaan ng King Richard St., ng nabanggit na subdivision habang naglalakad ang biktima nang harangin ng tatlong suspect na armado ng baril. Sapilitang kinuha ng mga suspek ang hand bag ng biktima na naglalaman ng cellular phone, at iba pang mahahalagang dokumento. Matapos makuha ang pakay ay agad na nagsitakas ang mga suspek sakay ng isang taxi habang agad namang nanghingi ng tulong sa mga awtoridad ang biktima. Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang suspek. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending