May 29 na bilanggo ang napalaya sa Caloocan City Jail ng programa ng Korte Suprema na “Justice on Wheels” sa patuloy na programa para mapaluwag ang mga mala-sardinas na kulungan sa Metro Manila.
Sinabi ni CCJ warden Supt. Lyndon Torres na mismong si Chief Justice Reynato Puno ang namahala sa pagdinig sa mga matagal nang nakabinbin na kaso ng mga bilanggo. Mismong mga municipal at regional judges ang nagsagawa ng mga pagdinig sakay ng mobile courts ng Korte Suprema.
Ayon kay Torres, napagsilbihan na ng mga napalayang mga bilanggo ang jail term na kinakaharap nilang kaso na hindi pa nabibigyan ng hatol.
Umaabot na sa 64 mga bilanggo ang napalaya ng mobile courts sa CCJ. Una nang nakapagpalaya ng 35 preso ang Korte Suprema noong Agosto.
Patuloy namang pinasalamatan ni BJMP chief, Director Rosendo Dial ang Korte Suprema sa pagtulong sa kanila na mapaluwag ang mga kulungan sa Metro Manila.
Umaabot sa 20,892 ang kabuuang bilang ng mga bilanggo sa Metro Manila na lagpas sa kapasidad ng mga kulungan na kaya lamang mag-okupa ng 5,820 bilanggo. Karamihan umano sa mga bilanggo ay *overstaying* na dahil sa napagdusahan na ang kanilang mga kasalanan habang hindi na nadidinig ang kanilang kaso sa korte. (Danilo Garcia)