Chief of staff ng Solon, todas sa ambush
Nasawi ang „chief of staff ni Compostela Valley Rep. Manuel “Way Kurat” Zamora matapos na tambangan ng mga hindi nakilalang armadong suspek kahapon ng umaga sa Kamuning, Quezon City.
Nasawi dakong alas-9:45 ng umaga sa loob ng Delgado Hospital ang biktimang si Robert Delano matapos magtamo ng tama ng bala sa kanyang baba, ayon kay Dr. Bonnie Chua.
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District-Station 10 (Kamuning), pasado alas-8 ng umaga nang maganap ang pananambang sa tapat ng bahay ng biktima sa K-3rd Street, Brgy. Kamuning, ng naturang lungsod.
Nabatid na kasasakay lamang ni Delano sa service niyang Toyota Fortuner na may plakang 8 nang lumapit ang tatlong suspek at paputukan ito ng malapitan.
Kaswal naman na naglakad patungo sa E. Rodriguez Avenue ang mga suspek at nagawang makatakas sakay ng hindi pa mabatid na sasakyan.
Sinabi ni QCPD Station 10 commander, Supt. Aspirino Cabula na dalawa sa mga suspek ang nakasuot ng puting t-shirt habang ang isa ay nakaitim na damit at may itim na bag. Mabilis namang rumesponde ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics Unit kung saan narekober ang mga bala ng kalibre .45 na paboritong gamit ng mga bayarang hitman.
Nabatid naman na regular na sinusundo ni Delano si Zamora sa kanyang bahay patungo sa Batasan complex tuwing umaga.
Blangko naman ang mga otoridad sa motibo ng naturang pamamaslang. Kasalukuyang kinukunan ng pahayag ang kanyang pamilya at mga kasamahan sa trabaho upang makakuha ng lead sa imbestigasyon.
- Latest
- Trending