Isa ang patay, habang isa pa ang malubhang nasugatan sa umano’y karerahan ng dalawang sasakyan, kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.
Kinilala ang nasawi na si Ervin de Leon, 22, residente ng Pandacan, Manila, habang ang sugatan naman si Roger Roxas, 20, residente ng Pag-asa, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-10:15 ng gabi nang mangyari ang nasabing insidente habang tinatahak ng sasakyang Honda Civic ni Roxas na may plakang WRE-427 ang kahabaan ng Alabang-Zapote Road, Talon II ng nabanggit na lungsod. Nabatid na papa uwi na umano si Roxas sa Pag-asa, Quezon City nang aniya’y mag-overtake umano sa kanya ang kotse ng nasawi na isa ring Honda Civic na may plakang CRH-859 at aksidente niya itong nasalpok sa tagiliran na nagresulta upang bumangga ito sa pader.
Dahil sa lakas ng impact ng pagkakabangga sa pader ay parang latang nayupi ang sasakyan ng nasawi dahilan upang mapitpit ang katawan nito sa loob na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.
Batay naman sa pagsusuri ng Las Piñas Traffic Enforcement Unit, malaki ang kanilang hinala na nagkarera ang dalawang sasakyan base na rin umano sa tindi ng pagkakayupi ng kotse ng namatay na biktima. Gayunman, nagsasagawa pa rin ng masusing imbestigasyon ang awtoridad kaugnay sa nasabing insidente. (Rose Tamayo-Tesoro)