Patay ang isang baranggay tanod, habang kritikal naman ang kasamahan ng una nang mapagtripan ang mga ito na ataduhin ng saksak ng umano’y adik, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan sanhi ng mga saksak sa tiyan at balikat ang biktimang si Ernesto Olleres, 54, habang kritikal din ang kasamahan nito na si Eulogio Patubo, 56, kapwa residente ng Barrio Libis, nabanggit na lungsod.
Kasalukuyan namang pinaghahanap pa ng pulisya ang suspect na si Jovy Gallo, kapitbahay ng mga biktima.
Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng gabi habang nagpapatrulya ang mga biktima sa nabanggit na lugar at makasalubong ng mga ito ang suspect na noon ay lango umano sa ipinagbabawal na gamot.
Sa hindi umano malamang dahilan ay bigla na lamang dinaluhong ng saksak ng suspect ang mga biktima. (Rose Tamayo-Tesoro)