10 mangingisdang Vietnamese, idineport ng BI
Ipinatapon ng Bureau of Immigration (BI) kamakailan ang sampung mangingisdang Vietnamese na naaresto sa Palawan noong nakaraang taon dahil sa pangingisda sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Inihayag ni Immigration Commissioner Marcelino Libanan na ipinatapon ang mga mangingisdang Vietnamese pagkatapos ng isang taon at limang buwang pagkakakulong.
Ayon kay Libanan, hinatulan ng isang Regional Trial Court sa Palawan ang mga mangingisda na nahuli ng maritime authorities sa karagatan malapit sa Balabac Island noong March 31, 2007. Dagdag pa ni Libanan, ang mga Vietnamese ang pinakamaraming bilang ng dayuhan sa 26 foreigners na ipina-deport ng BI noong Setyembre dahil sa paglabag sa immigration laws ng Pilipinas.
Dahil sa pagkakatapon sa mga nasabing undesirable aliens, ngayon ay nasa 67 na lang ang dayuhang nakadetine sa immigration jail sa Bicutan. Apat sa 26 dayuhan na ipinatapon ng BI ay sangkot sa malaking krimen at pinaghahanap sa kanilang bansa, ayon pa kay Libanan.
Ayon naman kay BI Associate Commissioner Roy Almoro, dalawa sa mga pugante ay Taiwanese nationals na sina Kuo Hsiang Ting at Chin-Chun Lu, na parehong sangkot sa pamemeke.
Kinilala ni Almoro ang dalawa pang pugante na sina Kriss McCord, isang Briton at nahatulan sa kasong child molestation, at Patrik Olof, isang Sweden na wanted sa kasong fraud at embezzlement. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending