QC jailwarden sinibak
Sinibak sa puwesto ni Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno si Quezon City Jailwarden Supt. Teofilo Labating matapos mapatunayang mas madalas pa itong nasa labas ng kanyang opisina kaysa sa pagpapatupad ng kanyang tungkulin sa loob ng piitan.
Itinalaga namang kapalit ni Labating si Supt. Emilio Culang sa ilalim ng Department Order (DO) No. 2008-1034. Si Culang ay dating assistant regional director for operations. Nakasaad sa DO, na ang pagkakatanggal kay Labating ay bunsod na rin ng paglabag nito sa probisyon ng RA 9263, ng BJMP at BFP Professionalization Law.
Subalit lumilitaw na ang tunay na dahilan ng pagkakasibak kay Labating ay bunga ng madalas nitong pag-alis sa QC Jail sa kabila ng mahigpit na kautusan ni BJMP chief Director Rosendo Dial na ang jailwarden ay kinakailangang nasa kanyang puwesto sa lahat ng oras. Ito’y upang maiwasan ang anumang gulo at insidente sa kulungan tulad ng riot at jailbreak.
Matatandaan na kamakailan ay 16 na inmates ang tumakas mula sa Binan Municipal Jail. Ang jailwarden nito na si Chief Insp. Gonzales Ogcang ay agad na sinibak sa puwesto matapos na malamang wala ito sa kanyang opisina. Ang QC Jail ay mayroong 2,800 inmates sa kasalukuyan. (Doris Franche)
- Latest
- Trending