Sinimulan nang ipatupad kahapon ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang “No Pocket” policy sa mga uniporme ng lahat ng empleyado na nakatalaga sa ramp baggage loading areas sa tatlong paliparan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Ret. Gen. Angel Atutubo, MIAA assistant general manager for security and emergency services na binigyan na siya ng go signal ni MIAA general manager Alfonso Cusi upang ipatupad ang bagong polisiya bilang paghahanda sa nalalapit na Kapaskuhan kung saan karaniwan ng mga pasaherong dumarating ay may dala o bitbit na mga regalo o kaya ay nakalagay sa mga kahon sa airport.
Sinabi ni Atutubo na layunin ng nasabing polisiya na bigyan ng seguridad ang check-in baggage ng mga dumarating at umaalis na pasahero at kanilang mga bagahe para sa pagnanakaw o pilferage.
Niliwanag ni Atutubo na kapag walang mga bulsa ang mga uniporme ng mga airport personnel na nasabing lugar ay maiiwasan nito na makakupit o makanakaw ng anumang bagay.
Aniya, may mga insidente na ang naipaabot sa kanyang tanggapan hinggil sa pagkawala ng mga alahas, cellphones, pabango at iba pang mahalagang bagay sa mga bagahe ng mga pasahero matapos nilang kunin ang mga luggage sa carousel.
“Mas mabuti na mailayo ng MIAA sa tukso ang mga baggage handler upang mapaganda ang imahe ng airport lalo na sa mga dayuhang turista at balikbayan,” dagdag pa ni Atutubo.
Bukod sa nasabing polisiya, kailangang isurender din ang lahat na personal na gamit ng lahat ng mga airport personnel na nakatalaga sa ramp sa gate guard bago sila mag-report at magsimula sa trabaho.
Ang sinuman anyang lalabag sa polisya ay may katapat na parusa na naaayon sa pinaiiral na regulasyon ng MIAA.