Sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Department of Health (DOH), Presidential Anti- Smuggling Group (PASG) at Bureau of Food and Drugs (BFAD) ang isang bodega kung saan nadiskubre ang mga imported at expired na gatas na hinihinalang may sangkap na melamine kahapon sa Balintawak, Quezon City.
Dakong alas-2 ng hapon nang lusubin ng mga awtoridad ang bodega ng Bestyield Marketing sa Quirino Highway, Brgy. Balong Bato, Balintawak na pag-aari nina Edgardo Togano at Erwin Castillo. Kinumpiska dito ang saku-sakong gatas na buhat pa sa Australia, New Zealand at Canada.
Gamit umano ng Bestyield ang ibang pangalan na “Gluewide” bilang kompanya ngunit nabatid na wala itong permit para mag-import ng mga gatas.
Ayon sa mga residente, matagal na umanong nag-ooperate ang nasabing bodega at dito na rin nire-repack ng mga empleyado bago ideliber sa mga malls sa bansa.
Kasalukuyang sinusuri ng DOH ang nasabing mga imported at expired ng mga gatas upang mabatid kung nagtataglay ito ng nakakalason na sangkap na melamine. (Danilo Garcia)