Hapones dedo, 3 pa sugatan sa pamamaril
Patay agad ang isang Japanese national, habang pawang sugatan naman ang tatlo pa makaraang paulanan sila ng bala ng baril ng isang hindi pa nakikilalang suspect, kamakalawa ng gabi sa Makati City.
Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Takehiro Asano, 42, habang ang mga sugatan naman ay kinilalang sina Agnes Macatangan, live-in-partner ng una; Ruel Mañares at ang negosyanteng si Jaime Antonio Beach. Si Asano ay nasawi sa mismong pinangyarihan ng insidente bunga ng isang tama ng bala sa ulo , habang ang tatlong sugatan ay ginagamot sa St. Claire Medical Center ng lungsod.
Ayon sa ulat ng pulisya, pasado alas-11 ng gabi nang mangyari ang nasabing insidente sa harapan mismo ng Locked Up Bar na pag-aari ni Jaime sa Filmore St., Makati City. Nabatid na kasalukuyang nakaupo sa harapan ng nabanggit na bar ang mga biktima nang biglang sumulpot sa kanilang harapan ang isang armadong suspect at agad na pinaulanan ng bala ng hindi pa nababatid na kalibre ng baril ang mga biktima.
Nagawa namang makatakas ng suspect na naglakad lamang papalayo mula sa crime scene bago pa man dumating ang mga nagrespondeng pulis. Isang masusing imbestigasyon naman ang kasalukuyang isinasagawa ng pulisya upang alamin ang motibo ng nasabing insidente, gayundin ang pagkakakilanlan ng suspect. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending