Matapos ang spray paint campaign laban sa mga pinaghihinalaang mga drug pushers, 29 na money changer naman ang ipinasara ni Manila Mayor Alfredo Lim sa pamamagitan din ng spray paint matapos na madiskubre na walang permit to operate ang mga ito.
Kanyang nilibot sa Maynila ang kahabaan ng M.H. del Pilar, Padre Faura at Mabini sa Malate upang matiyak na sarado na ang mga establisimyento na lumalabag sa regulasyon ng city government.
Ayon kay Lim, ang kanyang aksiyon ay bunga na rin ng mga reklamong natatanggap niya mula sa mga turista at mga overseas Filipino workers (OFWs) na niloloko ng mga fly-by-night money changers.
Kadalasan umanong modus operandi ng mga money changer ay bawasan ang katumbas ng foreign money na papalitan ng isang turista at OFWs. Aniya, ang bawat dolyar na pinapapalitan ng mga OFWs ay pinaghirapan sa kanilang pagtatrabaho sa ibang bansa kung kaya’t hindi dapat na dayain ng mismong mga Filipino.
“Pag binilang sa harapan mo ’yung pera, tama ang amount. Pero pag-uwi mo at binilang mo ulit, siguradong kulang na ’yun,” ani Lim.
Nilinaw ni Lim na walang money changer ang pinapayagan na mag-operate nang walang kaukulang papeles mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas.
Dahil dito, pinaaalalahanan din ni Lim ang publiko na maging alerto at vigilante laban sa anumang pandaraya at pang-aabuso ng mga money changer at sa halip ay agad itong ireport sa himpilan ng pulisya.