Lumikha nang pagsisikip sa daloy ng trapiko at pinagkaguluhan ng mga residente sa lungsod ng Valenzuela ang isang 10-wheeler truck na may lamang mga beer matapos itong maaksidente na naging sanhi upang bumaha ng beer sa lansangan, kahapon ng madaling-araw.
Ayon sa report ng Valenzuela City Police, dakong alas-2:00 ng madaling -araw nang bigla na lamang mawalan ng kontrol ang trak na may plakang CWA-735, na minamaheno ni Dennis Depanay sa kahabaan ng McArthur Highway, Brgy. Balubaran ng nasabing lungsod.
Nabatid na iniwasan ni Depanay ang isang multi-cab na hindi na nakuha ang plaka dahilan upang hindi nito makontrol ang preno.
Dahil dito, naglaglagan ang kargang mga beer na pinagkaguluhan ng mga residente dito.
Wala namang iniulat na nasaktan sa naganap na insidente ngunit hindi na nabawi pa ng mga awtoridad ang mga kinu hang beer ng mga residente habang ilang oras ding nagkaroon nang pagsisikip ng daloy ng trapiko dahil sa kumalat na mga basag na bote. (Lordeth Bonilla)