Sinaksak hanggang sa mapatay ang isang restaurant owner ng isang grupo ng kanyang mga kostumer dahil lamang umano sa masamang tingin, kamakalawa ng gabi sa Binondo, Maynila.
Patay na nang idating sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktimang si Rodolfo Ledesma 53, may-ari ng Kambingan Restaurant na matatagpuan sa Del Pan St., Binondo, Manila bunga ng tinamong saksak sa katawan.
Mabilis namang tumakas ang grupo ng suspect na kinabibilangan ng apat na lalaki.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-11:30 ng gabi nang maganap ang
insidente sa loob ng Kambingan Restaurant, sa Binondo, Maynila.
Nabatid na isang hindi nakilalang kostumer ang nagreklamo sa biktima hinggil sa masamang tingin ng grupo ng suspect. Sa halip na sitahin ng biktima, inobserbahan niya muna ang mga galaw ng grupo.
Minasama agad ng grupo ng suspect ang pagmamatyag ng biktima at siya naman ang kinompronta ng isa sa mga ito sa pagsasabing “Ang sama mong makatingin, Ano ang problema mo”, kasunod umano ang pananaksak .
Mabilis umanong ikinasa ng biktima ang kalibre .45 baril subalit dahil sa tinamong saksak ay hindi niya ito naiputok. Nagawa pang tangayin ng grupo ng suspect ang baril ng biktima bago tuluyang tumakas. (Ludy Bermudo)