Opisyal ng BFP arestado sa kotong
Arestado ang isang mataas na opisyal ng Bureau of Fire and Protection (BFP) ng lungsod ng San Juan matapos na maaktuhang tumatanggap ng pera sa isinagawang entrapment operation kamakalawa ng gabi sa nasabing bayan.
Kasong robbery extortion ang kinakaharap ngayon ng suspek na si Insp. Chandler Arcadio matapos na makuha dito ang halagang P5,000 marked money na ibinigay ng biktimang si Amy Aguilar sa inilatag na entrapment operation ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI).
Base sa ulat ng pulisya, nag-ugat ang nasabing pangingikil matapos na masunog ang tindahan ng biktima na matatagpuan sa San Perfecto sa nasabing lungsod noong Setyembre 23.
Agad namang kumuha ng certification sa BFP si Aguilar para makuha ang insurance claim nito na nagkakahalaga ng kalahating milyon sa nasunog na tindahan subalit laking gulat nito nang makitang may tatak na “not for insurance claim” ang nakatatak sa kanyang dokumento kaya agad na ibinalik ito ng una sa suspek kung saan sinabi nito na magbigay umano siya ng halagang P5,000 para maayos iyon.
Nang malaman umano ni Arcadio na kalahating milyong piso ang makukuhang insurance claim ng biktima ay itinaas pa nito sa halagang P50,000 ang hinihingi sa biktima para umano mapadali ang proseso ng claim sa insurance.
Pumayag naman ang biktima subalit lingid sa kaalaman ng suspek ay nakipag- ugnayan ito sa mga tauhan ng NBI at doon isinagawa ang entrapment operation kamakalawa ng gabi kung saan ibinigay ng una sa suspek ang downpayment na P5,000 na marked money.
Mariin namang itinanggi ng suspek na kinikilan niya ang biktima at depensa nito na si Aguilar pa umano ang nagtangkang manuhol sa kanya para mapadali ang pag-ayos ng mga dokumento.
- Latest
- Trending