2 'Ipit taxi' gang patay sa engkuwentro

Patay ang dalawang sina­sabing miyembro ng “Ipit-Taxi” Gang na nambibiktima ng mga babaeng pasahero ma­tapos na maka-engkuwentro ang mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) kamakalawa ng gabi sa Que­zon City.

Patuloy na kinikilala ng mga awtoridad ang mga na­sawing suspek na kapwa armado ng kalibre .38 baril habang pinag­hahanap naman ang isa pang nakatakas na suspek.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10 ng gabi nang maka­tanggap ang Mobile Patrol unit ng alarma sa pagtangay sa isang taxi sa may Project 6, ng naturang lungsod.

Namataan naman ang taxi (PXP-760) ng pulisya sa may UP Village kung saan nag­ka­roon ng maigsing habulan na nag­wakas sa palitan ng putok sa may Mayaman St., UP Village. Dito, walang buhay na bumagsak ang dalawa sa mga suspek.

Nadiskubre naman sa com­partment ng taxi ang 65-anyos na driver nito na si Rodel Lau­redo na iginapos at binusalan ng packaging tape sa bibig. Iki­nuwento nito na sakay niya ang isang babaeng pasahero sa may Sanville Sub­d. malapit sa Min­danao Avenue nang sa pag­menor niya sa may traffic light ay hinarang siya at pumasok sa taxi ang tatlong suspek.

Dito tinutukan ang pasa­hero at si Lauredo ng baril ng mga sa­larin saka tinangay ang ka­nilang pera. Pinababa naman ang pa­sahero na nakilalang si Cathy Lumio sa may V. Luna Avenue na agad humingi ng saklolo sa pulisya.

Positibo namang kinilala ni Lauredo at Lumio ang mga na­sawing suspek na siyang nang­holdap sa kanila.

Show comments