2 'Ipit taxi' gang patay sa engkuwentro
Patay ang dalawang sinasabing miyembro ng “Ipit-Taxi” Gang na nambibiktima ng mga babaeng pasahero matapos na maka-engkuwentro ang mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Patuloy na kinikilala ng mga awtoridad ang mga nasawing suspek na kapwa armado ng kalibre .38 baril habang pinaghahanap naman ang isa pang nakatakas na suspek.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10 ng gabi nang makatanggap ang Mobile Patrol unit ng alarma sa pagtangay sa isang taxi sa may Project 6, ng naturang lungsod.
Namataan naman ang taxi (PXP-760) ng pulisya sa may UP Village kung saan nagkaroon ng maigsing habulan na nagwakas sa palitan ng putok sa may Mayaman St., UP Village. Dito, walang buhay na bumagsak ang dalawa sa mga suspek.
Nadiskubre naman sa compartment ng taxi ang 65-anyos na driver nito na si Rodel Lauredo na iginapos at binusalan ng packaging tape sa bibig. Ikinuwento nito na sakay niya ang isang babaeng pasahero sa may Sanville Subd. malapit sa Mindanao Avenue nang sa pagmenor niya sa may traffic light ay hinarang siya at pumasok sa taxi ang tatlong suspek.
Dito tinutukan ang pasahero at si Lauredo ng baril ng mga salarin saka tinangay ang kanilang pera. Pinababa naman ang pasahero na nakilalang si Cathy Lumio sa may V. Luna Avenue na agad humingi ng saklolo sa pulisya.
Positibo namang kinilala ni Lauredo at Lumio ang mga nasawing suspek na siyang nangholdap sa kanila.
- Latest
- Trending