Nakahanda ang puwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa spill over o sa posibilidad na umabot sa Metro Manila ang kaguluhan sa Mindanao Region na kagagawan ng mga Moro Islamic Liberation Front (MILF) renegades.
Ito ang inihayag kahapon ng bagong luklok na si NCRPO Chief Director Jefferson Soriano matapos namang isalin rito ni Director Geary Barias ang kapangyarihan sa simpleng turnover ceremony sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan kahapon.
“Let us protect Metro Manila and raise higher Manila shield from any terror attack,” ani Soriano.
Si Barias ay natalaga naman bilang bagong PNP Directorial Staff sa National Headquarters sa Camp Crame. Ang nasabing turn-over ceremony ay pinangunahan ni PNP Chief Deputy Director General Jesus Verzosa.
Nauna nang ibinulgar ng PNP ang intelligence report na aatake umano muli ang mga renegades matapos ang Eid Al Fitr, o ang pagtatapos ng Ramadan sa Oktubre 1.
Sinabi ni Soriano na mahigpit nilang babantayan sa Metro Manila ang posibleng sympathy attacks ng mga kaalyadong terorista ng MILF renegades.
Partikular namang palalakasin ang pagbabantay sa mga pangunahing instalasyon ng gobyerno, oil depots, embahada ng mga dayuhang bansa, bisinidad ng Palasyo ng Malacañang, MRT, LRT stations, terminal, daungan, paliparan, shopping malls, simbahan at iba pang mga matataong lugar. (Joy Cantos)