Kampanya vs 'escort service', pinaigting ng Immigration
“Hindi namin tatantanan ang sindikatong nasa likod ng escort service!”
Ito ang ipinangako ni Immigration Commissioner Marcelino Libanan kasabay ng pag-uutos sa kanyang mga tauhan na paigtingin pa ang matindi nang kampanya ng ahensiya laban sa sindikatong nagpapasok sa bansa ng dayuhang prostitutes, na karamihan ay mula Mainland China.
Inatasan din ni Libanan ang kanyang mga field agent na bantayang maigi ang daanan na posibleng ginagamit ng mga sindikatong ito upang maipasok ang mga dayuhang prostitutes.
Kasabay nito, ipinag-utos din ni Libanan sa kanyang mga division heads na bantayan ang kanilang hanay upang matukoy ang mga “bugok” sa ahensiya na nakikipagsabwatan sa mga sindikato at nang masampahan ng kasong kriminal at administratibo.
Batay sa intelligence reports, naipapasok ng mga sindikato ang mga dayuhang prostitutes sa bansa sa pamamagitan ng pagpapanggap sa kanila bilang turista na may dalang lehitimong dokumento.
Kapag nakapasok na sa bansa, ang mga dayuhang prostitutes ay dinadala sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas kung saan nagtatrabaho sila bilang escort, o high-class prostitute, sa mga kayang bayaran ang kanilang serbisyo.
Bago naupo si Libanan bilang BI chief, humahakot ng apat hanggang limang milyong piso kada araw ang mga sindikatong nasa likod ng escort service.
Ngunit natapos ang maliligayang araw nila nang ipag-utos ni Libanan ang pinatinding kampanya laban sa kanilang operasyon. Sa tulong ng Philippine National Police (PNP), naipadampot ng BI at naipatapon palabas ng bansa ang daan-daang dayuhang prostitutes na karamihan ay galing China at Russia. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending