Isang internet cafe supervisor ang natagpuang patay makaraang pagsasaksakin ito nang 31 ulit sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan ng hindi pa nakikilalang suspek kahapon ng umaga sa Pasay City.
Ang biktima na kinilalang si Bobby Bautista, 25, supervisor ng Island Internet Café na nasa Blue Wave Commercial Center, Diosdado Macapagal Boulevard sa nabanggit na lungsod ay natagpuang patay dakong alas-8:15 sa nasabing establisimiyento.
Batay sa imbestigasyon ni PO3 Genomar Geraldino, may hawak ng kaso, nakabukas ang cash register ng cafe at tanging mga barya lamang ang nasa loob nito. (Rose Tamayo-Tesoro)