Tatlong umano’y miyembro ng Acetylene Gang na sina Edhar Uyat, Richard Apaplay at Luis Mariano ang nadakip ng pulisya makaraang nakawan nila ang C.M. Picache Pawnshop sa Barangay Damayan, Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Unang pinasok ng mga suspek ang isang tailoring shop bago binutas ang pader at sinunod na pinasok ang katabi nitong nabanggit na bahay-sanglaan.
Tiyempo naman na maagang pumasok ang may-ari ng tailoring shop dahil sa tatapusing patahi nang madiskubre ang mga salarin.
Agad na humingi ang hindi na pinangalanang saksi sa nagpapatrulyang mga tauhan ng Quezon City Police District na mabilis na rumesponde. Dito nagkaroon ng maigsing habulan hanggang sa masakote ang mga suspek.
Narekober rin sa mga ito ang mga alahas na tinangay sa naturang sanglaan at mga gamit sa kanilang panloloob bilang mga ebidensya.