Estudyante biniktima ng jungle bolo gang

Apat na hinihinalang miyembro ng kilabot na Jungle Bolo Gang na gumagamit ng motorsiklo sa ka­nilang operasyon ang nasakote ng mga tauhan ng Pasay City Hall Police Detachment habang hino­hol­dap ang isang estudyante kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Ang mga suspek ay kinilala ni Chief Insp. Jose Anas na sina Michael Liba, 19, residente ng Primero de Mayo St., ng nasabing lungsod; Argi de Guzman, 18, ng 640 Gamban St., Pasay City; Juancho Marlon, 23, estudyante at ang menor-de-edad na itinago sa pangalang Jolito, 15, residente ng Primero de Mayo St., Pasay City.     

Sinasabi ng biktimang si Leo Floyde, 19, residente ng 2542 P. Villanueva St., Pasay City na naglalakad siya sa Park Avenue nang maramdaman niyang may isang motorsiklong sumusunod sa kanya.

Dalawa sa mga suspek ang lumapit sa biktima bago naglabas ng jungle bolo at nagdeklara ng holdap habang sapilitang kinuha ng isa sa mga una ang kanyang dalang cellphone, alahas at salapi.

Makaraang makuha ang pakay, agad na muling sumakay ang mga suspek sa isang dilaw na Honda motorcyle na may plakang BI-5975 patungo sa direksiyon ng EDSA.

Nakatawag naman ng pansin ang nasabing senaryo sa mga tauhan ng City Hall Detachment na nagkataong nagpapatrulya sa naturang lugar hanggang madakip ang mga suspek. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments