Binalaan kahapon ni Quezon City Mayor Feliciano Belmonte ang mga may-ari ng mga night club o fun houses sa lungsod na mapipilitan ang pamahalaang-lungsod na ipasara ang mga ito kung hindi magbabayad ng kaukulang buwis.
Ginawa ni Belmonte ang babala nang ireport sa kanya ni City Treasurer Victor Endriga na ang kabang-yaman ng lungsod ay nawalan ng P47,550,000 mula taong 2005 hanggang 2007 dahil sa hindi pagbabayad ng may 300 night spots sa Cubao at Quezon Avenue ng kanilang buwis.
Bawat night spot ay obligadong magbayad ng P500 kada araw bilang show fee pero hindi pa rin tumatalima ang mga operators at may-ari ng mga establisimyentong ito.
“Kaibigan natin sila pero, kung hindi sila susunod sa batas, mapi pilitan tayong ipasara sila. Dapat nilang malaman na seryoso tayo sa bagay na ito,” pa hayag ng alkalde. (Angie dela Cruz)