Galing umano sa isang ice plant sa Malabon ang yelo na ginagamit ng Jose Corazon de Jesus Elementary School sa ibinentang mais con yelo at kinain ng mga bata na na-confine sa iba’t ibang Hospital sa Maynila noong Linggo.
Ito ang lumabas sa isinagawang imbestigasyon ng Manila Division of Sanitation, kaugnay sa naganap na pagkaka-confine sa mga tatlong ospital sa Maynila ng mahigit 100 mag-aaral sa nabanggit na paaralan.
Sa panayam kay Clemente San Gabriel, Administrative officer ng MDS, nalaman na ang LTC ice dealer na nasa Concha St.,Tondo, Maynila, ang nagdadala ng yelo sa paaralan, pero ginagawa ang yelo sa planta nito sa Malabon. Sinabi ni San Gabriel, kasalukuyang nagsasagawa na ng kanilang sariling imbestigasyon ang Sanitary chief ng Malabon na si Boyet Guevarra para alamin kung kontaminado ang tubig na ginagamit sa paggawa ng yelo.
Gayundin, nabatid kay San Gabriel, lumabas sa kanilang pagsusuri na negatibo sa “bacteria” ang tubig na nakuha sa gripo ng paaralan, kaya hindi maaaring sa tubig ng eskuwelahan nakuha ang bacteria na nasuri sa dumi ng mga bata. (Doris Franche)