Patay ang tatlong hinihinalang holdaper habang arestado ang dalawa pang kasamahan ng mga ito matapos na makipag barilan sa mga tauhan ng Marikina Police at Eastern Police District (EPD) kamakalawa ng gabi sa nasabing lungsod.
Kinilala ang mga nasawi na sina Joel Montefalcon, sangkot sa kasong highway robbery at robbery snatching; Joey Montefalcon may kasong robbery at qualified theft at Jorge Piñon, 24, sangkot naman sa kasong highway robbery, robbery snatching at direct assault, pawang mga residente ng nasabing lungsod.
Naaresto naman ang dalawa pa na kinilalang sina Salvador Felipe na sangkot sa limang kaso ng robbery at Alwin Depano na sangkot sa kasong theft kapwa residente ng #12 Manggahan Extn. Brgy. Tañong, Marikina City.
Ayon kay Supt. Sotero Ramos, hepe ng Marikina police, naganap ang engkuwentro dakong alas-9:10 ng gabi sa kahabaan ng Dao St. , Brgy. Marikina Heights ng lungsod na ito.
Nabatid na nagsasagawa ng routine patrol ang tropa ng Marikina Special Weapons and Tactics (SWAT) nang mamataan ang dalawa sa mga suspek na magkakaangkas kaya nilapitan nila ito upang sitahin subalit agad silang pinaputukan ng mga sakay ng motorsiklo kaya gumanti na rin ng putok ang mga tauhan ng SWAT na ikinasawi ng drayber ng motorsiklo.
Tumakas naman ang angkas at sumakay sa parating na kulay maroon na Tamaraw FX na may plakang “for registration” na hinihinalang kasamahan ng mga suspek subalit hindi pa nakakalayo ito ng takbo ay naharang na ng rumespondeng mga tauhan ng EPD Mobile Force na nagresulta ulit ng madugong engkwentro.
Sinamantala naman ng driver ng FX ang sagupaan at tumakas ito patungo sa hindi pa mabatid na direksyon habang sina Felipe at Depano ay nadakip sa madilim na iskinita habang papatakas sa lugar ng insidente.
Narekober ng pulisya sa mga suspek ang tatlong .38 na kalibre ng baril na puno ng bala, mga granada gayundin ang motorsiklo na ginamit ng dalawang suspek.
Ang bangkay ng tatlong suspek ay nakalagak ngayon sa EPD Crime Laboratory sa Marikina City habang ang dalawang naaresto ay nakakulong ngayon sa Marikina Police detention cell.