Maruming yelo sanhi ng pagkalason sa may 100 pupils
Posibleng maruming yelo ang dahilan ng pagkakasugod ng may 100 estudyante ng Jose Corazon Elementary School sa Tondo dahilan ng pagkalason ng mga ito, ayon sa Department of Education (DepEd).
Ayon kay DepEd Assistant Secretary for Special Concern Thelma Santos, base sa natanggap nilang impormasyon ay maruming yelo mula sa hindi pa binanggit na ice plant ang sanhi ng pagkakasakit ng mga estudyante na karamihan ay nasa grade 1 hanggang grade 5 na kumain ng mais con yelo noong nakaraang Biyernes.
Gumawa na ng aksyon ang DepEd at nakipag-ugnayan na sa ibat-ibang ahensya na responsable para mapasara na ang naturang ice plant.
Sa ngayon, ayon kay Trinidad Galang Principal ng Jose Corazon Elementary School ay 38 pa ring mga estudyante ang kasalukuyang nasa pagamutan.
Sinabi pa ni Galang na sinagot na rin ng kanilang eskwelahan ang mga gastos ng lahat ng mga estudyanteng na-ospital.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang monitoring ng DepEd sa mga estudyanteng nabiktima habang isinara ang school canteen ng nasabing eskwelahan subalit patuloy naman ang regular classes. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending