7-anyos may cancer namatay sa NAIA 3
Isang 7-anyos na batang babae ang nasawi sa departure area ng NAIA 3 habang pasakay sa eroplano patungong Agusan Del Sur kahapon ng umaga.
Sa report na tinanggap ni MIAA general manager Alfonso Cusi, ang biktima ay kinilalang si Miguela Jane Ugay ng San Francisco, Agusan Del Sur.
Si Ugay kasama ang kanyang ama na si Miguelito ay nakatakda sanang tumulak pauwi sa kanilang bayan sakay ng Cebu Pacific flight nang mamatay ang una habang kalong ng ama.
“Napansin kong nangingitim na ang mga daliri ng anak ko kaya balisa na rin ako at naghahanap kung saan ang medical clinic para masuri ang lagay ni Jane. Pabalik na sana kami sa Agusan pero ‘di na siya umabot,” ani Miguelito.
Mabilis na nagresponde ang NAIA Medical team matapos na makatanggap ng emergency call mula sa mga airport personnel. Ga yunman, idineklara ng doktor na patay na ang biktima.
Nabatid sa nakatatandang Miguelito na tumungo siya sa Manila kasama ang may sakit na anak upang sumailalim sa medical check-up. Unang inakala ni Miguelito na ang sakit ng anak ay pagkabali lamang sa kanyang buto na nagsimula nitong Pebrero.
“Pagdating namin sa National Orthopedic Hospital ay natuklasan ng mga doctor na bone cancer pala ang idinadaing na sakit ng aming anak,” dagdag ni Miguelito
Tanging ang huling kataga ng anak sa kanyang itay ay ang kahilingang iuwi na lamang siya sa kanilang probinsya.
Magugunita na naging sunud-sunod ang trahedyang naganap sa NAIA 3 matapos na isang lalaki ang nasawi sa aksidente at isa namang babae ang nagtangkang magbigti sa ika-apat na palapag ng terminal.
- Latest
- Trending