Umaabot sa 10 kabahayan ang natupok ng apoy makaraang hagisan umano ng molotov bomb ng hindi pa kilalang suspek ang bubungan ng isa sa mga bahay kamakalawa ng gabi sa Mandaluyong City.
Dahil sa pagkalat ng apoy sa mga kabahayan sa Irid St. Brgy. Barangka Ibaba ng nasabing lungsod ay agad namang sinuspindi ang klase sa kalapit nitong Rizal Technological University (RTU) upang hindi na madamay ang mga estudyante.
Ayon kay Supt. Benjamin Ladra, hepe ng Mandaluyong Bureau of Fire and Protection, dakong alas-7:15 ng gabi nang magsimula ang sunog sa bahay ng pamilya Inigo at dahil karamihan sa mga bahay ay gawa sa kahoy ay mabiis na kumalat ang apoy.
Agad namang rumesponde ang mga pamatay sunog at naapula ang apoy makalipas ang may 35 minuto.
Idineklarang fired out ang sunog dakong alas- 7:50 ng gabi na umabot sa ika-apat na alarma at wala namang naiulat na nasugatan sa insidente.
Sa ginawang imbestigasyon, bago ang sunog ay nakarinig umano ng pagbagsak ng mga bote at pagkatapos ay ang pagsabog sa kanilang bubong si Gina Inigo.
Dagdag pa nito na mga tatlong bote ang alam niyang bumagsak kaya mabilis ang pagkalat ng apoy sa kanilang bahay na ikinatupok nito. (Edwin Balasa)