Buntis tinadtad ng bala sa Pasig

Droga ang isa sa sini­silip na dahilan ng pagka­ka­paslang sa isang ­buntis kahapon ng madaling-araw matapos itong tadta­rin ng bala sa ulo at kata­wan ng hindi pa kilalang salarin habang naglalakad sa kahabaan ng Sitio Ma­pa­yapa sa lungsod ng Pasig kung saan nadis­kubre ang shabu tiangge ilang taon na ang naka­kalipas.

Kinilala ang biktima na si Virgie Yu, alyas Angie Ha­jonoor, 32, tatlong bu­wang buntis at residente ng Sitio Mapayapa Comp, Brgy. Sto. Tomas ng nasa­bing lungsod, ito ay nag­tamo ng maraming tama ng bala ng baril sa ulo at katawan.

Ayon sa ulat ng pulisya, dakong alas-12:05 ng ma­daling-araw ng maganap ang insidente habang pa­pa­uwi na umano ang bik­tima sa kanilang bahay at binabagtas ang kahabaan ng Mapayapa Compound.

Bigla na lang umanong nakarinig ng sunod-sunod na putok ng baril ang mga residente nang silipin nila ang pinagmulan ay nakita nila ang biktima na naka­bulagta na sa kalsada ha­bang papaalis na ang hindi pa kilalang suspek na nag­lakad lang at parang wa­lang nangyaring anuman.

Nakakuha ang PNP-SOCO ng siyam na bas­yong bala ng kalibre .40 ba­ril sa lugar, gayundin ang tim­bangan umano ng sha­bu, plastic sachet at ilan pang mga parapher­nalia nito.

Matatandaang may dalawang taon na rin ang nakalilipas ay sinalakay ng mga otoridad ang nasa­bing lugar na sinasabing shabu tiangge kung saan mahigit sa 300 katao ang naaresto at ilang kilo ng na­sabing droga ang na­kuha sa raid.

Patuloy na nagsasa­gawa ng masusing imbes­tigasyon ang pulisya para sa ikalulutas ng kaso. (Edwin Balasa)

Show comments