Brgy. kagawad binoga ni chairman
Posibleng maputulan ng dalawang paa ang isang barangay kagawad matapos itong barilin sa magkabilang hita ng kanyang chairman habang ang una ay natutulog sa loob ng kanilang barangay hall kamakalawa ng gabi sa lungsod Caloocan.
Ang biktima na kasalukuyang inoobserbahan sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa magkabilang hita na si Maximo Pulangco, 55 , kagawad ng Brgy. 106 at residente ng Ma. Clara St., 10th Avenue ng nabanggit na lungsod.
Patuloy namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad laban sa suspek na si Vicente Que, Jr., kapitan ng Barangay 106 at naninirahan naman sa panulukan ng M. H. del Pilar Street at 9th Avenue, Caloocan City.
Sa nakalap na impormasyon, naganap ang insidente dakong alas-11 ng gabi sa loob ng barangay hall habang kasalukuyang natutulog dito ang biktima nang dumating ang suspek na agad na binunot ang dalang baril at pinaputukan si Pulangco sa magkabilang hita.
Matapos nito ay mabilis na isinugod sa nabanggit na pagamutan ang biktima ng ilang mga nakasaksi habang ang suspek naman ay mabilis na tumakas dala ang ginamit na armas.
Hanggang sa kasalukuyan naman ay patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy kung ano ang motibo sa pamamaril sa biktima. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending