Mahigit sa P24 milyon halaga ng mga puslit na mansanas, bawang, sibuyas at luya ang nasabat ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) Intelligence and Investigation Service (CISS) sa Port of Manila. Ang mga nasabing kargamento, ay nakalagay sa 14 na container van na dumating sa Maynila sa dalawang magkahiwalay na shipment, mula sa Hong Kong at China. Naka-consign ang kargamento sa Futek Enterprises at dinala sa Maynila sakay ng Fesco Trader mula China. Sampu sa mga nasabing container vans ang nakadeklara bilang bawang subalit nang mabusisi ay naglalaman ng sibuyas. Nadiskubre din ng BOC na wala ring import permit mula sa Bureau of Plant and Industry (BPI) ng Department of Agriculture(DA) ang mga kargamento. Dahil dito kayat ipinag-utos ni Custom Commissioner Napoleon Morales na rebisahin ang mga nalalabing container van na nakumpiska ng CIIS, para maisubasta na sa publiko. (Gemma Amargo-Garcia at Doris Franche)