QC police naghahanap ng 178 bagong pulis
Inihayag kahapon ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Sr. Supt. Magtanggol Gat dula na bukas ngayon ang pagtanggap nila ng bagong mga pulis kung saan pupunan ang nakalaang 178 bakanteng puwesto.
Sinabi ni Gatdula na isinasagawa ngayon ang recruitment para sa 2nd Phase ng Police Non-Commissioned Officer (PNCO) Attrition Program. Itoy para punan ang mga nabakanteng posisyon na resulta ng pagreretiro, pagkamatay, pagkadismiss, AWOL at resignasyon ng mga dating pulis.
Tinatayang 178 puwesto ang inilaan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa QCPD sa kabuuang 650 quota para sa Metro Manila. Ang natitirang puwesto ay ipapamahagi naman sa apat pang police districts sa Kamaynilaan.
Sinabi ni Gatdula na maaari nang magsumite ng kanilang requirements ang mga interesadong maging pulis sa District Personnel Human Resource Development Division (DPHRDD) sa Camp Tomas Karingal sa Sikatuna Vilage, Quezon City.
Upang maging kuwalipikado sa ranggong Police Officer 1, kinakailangang makapasa ang isang aplikante sa mga probisyon ng National Police Commission (Napolcom). Kailangan rin na nasa edad 21-30-anyos ang aplikante, may taas na 5’4 talampakan sa lalaki at 5’2’’ sa babae. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending