2 timbog sa mga pekeng LTO plates
Naaresto ng mga elemento ng PNP- Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang dalawang pinaghihinalaang miyembro ng sindikatong sangkot sa pagbebenta ng pekeng plaka ng Land Transportation Office (LTO) sa isinagawang operasyon sa compound ng nasabing ahensya ng pamahalaan sa Quezon City.
Kinilala ni PNP-HPG- National Capital Region Chief Sr. Supt. Dennis Siervo ang mga nasakoteng suspect na sina Gerardo Perez, 48, empleyado ng Aleha Drug Testing and Laboratory ng Tandang Sora at Francisco Arapoc, 42, isang fixer sa LTO.
Naaresto ang mga suspect dakong ala-1 ng hapon sa loob mismo ng LTO compound sa Magalang St. sa panulukan ng East Avenue sa aktong nagbebenta ng mga pekeng LTO license plate partikular na ang commemorative plate No.8 na para lamang sa mga opisyal ng gobyerno at diplomatic plate na 74560 at PXH 310 ( For Hire ).
Sinabi ni Siervo na ang nasabing mga plaka ay ibinebenta ng mga suspect sa kanilang mga kostumer mula P8,000.00 hanggang P15,000 kung saan hindi na kailangan pang pumila ang kanilang mga binibiktimang kliyente.
Kinumpirma naman ng LTO Plate Making Section na peke ang mga license plates na ibinebenta ng mga suspect na kung hindi marunong ang titingin ay mapagkakamalan talagang orihinal.
Kaugnay nito, nagbabala naman si PNP-HPG Chief Director Perfecto Palad sa mga sibilyan na huwag bumili ng mga license plates sa mga fixers dahilan malamang na maliban sa peke na ang mabili ng mga ito ay ma harap pa sa kaukulang kasong kriminal. (Joy Cantos at Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending