Isang Air Force Colonel na kilalang Mindanao war veteran pilot na malapit nang ma-promote bilang heneral ang natagpuang patay sa loob ng quarters nito sa Villamor Air Base sa Pasay City kahapon ng umaga.
Sinabi ni Philippine Air Force (PAF) Chief Lt. Gen. Pedrito Cadungog ang biktimang si Col. Miguel Gequillo Guialogo, 54, ay namatay sa atake sa puso matapos itong mag-ehersisyo.
“He died of a heart attack or acute myocardial infection. He just came from a Physical Fitness Test as a requirement to a Brig. Gen. position,” pahayag ni Cadungog.
Nabatid pa sa ulat ng pulisya, na matapos ang pag-eehersisyo ay kumain pa ng pansit ang naturang colonel. Ilang sandali ang lumipas ay natagpuan na itong patay.
Sinabi ni Cadungog na si Guialogo ay nakatalaga bilang hepe ng Air Force Research and Development Center na nakabase sa Fernando Air Base sa Lipa City.
Ayon sa PAF Chief, si Guialogo ay natagpuang patay dakong alas-9:30 ng umaga sa Room 18 sa ikalawang palapag ng Married Officers Quarters sa Villamor Air Base na siyang punong himpilan ng PAF.
Inihayag ng heneral na isang malaking kawalan sa PAF ang pagkamatay ni Guialogo na isang mahusay na piloto at propesyunal na opisyal.