Unioil nagbagsak ng presyo ng petrolyo
Binulaga ng small player na Unioil ang publiko matapos na magsagawa ito ng anunsyo na muli silang magkakaroon ng rollback sa presyo ng kanilang produktong petrolyo na maituturing na pinakamalaking isang bagsak presyo ng naturang kompanya ng langis.
Dakong alas-2 ng hapon ngayong araw ipapatupad ang panibagong P3 kada litrong rollback sa presyo ng kanilang gasolina habang P2 naman kada litro ang ibababa ng presyo ng kanilang produktong diesel at kerosene.
Ayon sa pamunuan ng Unioil, ang panibagong rollback ay bunsod na rin ng patuloy na pagbagsak ng presyo ng Dubai crude, ang pinagbabatayan ng presyo ng mga kompanya ng langis sa Asya kabilang na ang Pilipinas.
Umaabot na lang sa $87.92 kada bariles ang presyo ng krudo sa world market mas mababa ng mahigit sa $60 kada bariles mula ng pumalo ito ng all time high na $147 kada bariles noong buwan ng Marso. Dahil sa pagpapatupad ng bagong rollback ng Unioil, sigurado na pipilahan ng motorista ang lahat ng kanilang re-filling station dahil mas makakamura ang mga ito ng P3 kada litro sa presyo ng gasoline at P2 naman kada litro sa presyo ng diesel kumpara sa ibang kompanya ng langis.
Ayon naman sa pamunuan ng Department of Energy (DOE) Director Zenaida Monsada, ang pagbagsak presyo ng produktong petrolyo ng Unioil ay nangangahulugan na mayroong nagaganap na kompitensya sa mga kompanya ng langis.
Nagpahabol pa ang pamunuan ng Unioil na kung magpapatuloy ang pagbaba ng presyo ng krudo sa world market ay inaasahan ng publiko na masusundan pa sa mga susunod na araw ang kanilang rollback.
- Latest
- Trending