Patay ang isang barangay tanod makaraang makaladkad ito ng ilang metro ng motorsiklo ng hindi pa kilalang suspek na kanyang sinita kamakalawa ng gabi sa Marikina City.
Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Amang Rodriguez Medical Center sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Dennis Rogel, 35, tanod ng Brgy. Concepcion II ng lungsod na ito.
Samantala patuloy namang nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya para sa pagkakakilanlan ng suspek na hindi man lang nakuha ang plaka ng sinasakyang motorsiklo.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-10:40 ng gabi sa kahabaan ng SSS Village ng nasabing barangay nang sitahin ng biktima ang suspek dahil sa kahina hinala ang kilos nito.
Umalma umano ang suspek dahilan upang humantong ang usapan sa mainitang pagtatalo kaya tinangkang arestuhin ito ng biktima subalit agad na pinatakbo ng una ang kanyang motorsiklo.
Hindi naman bumitiw sa motorsiklo si Rogel dahilan upang lalong pabilisin ng suspek ang pagpapatakbo sa kanyang motorsiklo dahilan upang makaladkad ito ng may ilang metro ang layo at ng makabitiw sa motorsiklo ay nagpagulong gulong pa sa sementadong kalsada.
Sinubukan pang maitakbo sa nasabing pagamutan ang biktima ng mga nagmalasakit na taumbayan subalit nasawi din ito ilang oras dahil sa tinamong pinsala sa ulo. (Edwin Balasa)