50 sentimos pang rollback sa petrolyo, ipinatupad
Muling nagpatupad ng rollback sa kanilang produktong petrolyo ang maliliit na kompanya ng langis dahil na rin sa patuloy na pagbagsak ng presyo nito sa pandaigdigang merkado.
Napag-alaman na dakong alas-5 ng umaga kahapon nang magpatupad ang Eastern Petroleum 50 sentimos na rollback sa kada litro ng kanilang produktong petrolyo, habang alas-6 naman ng umaga nang magpatupad din ng rollback sa kaparehong presyo ang SeaOil.
Ito na ang ika-siyam na rollback ng mga kompanya ng langis simula nang bumaba ang presyo ng langis sa world market na kung saan umabot na lamang sa $86.00 kada bariles mula sa presyo nito na $147 per barrel noong buwan ng Hunyo. Pumalag naman ang grupong Pinagkaisang Samahan ng Transportasyon at Opereytors Nationwide (PISTON) sa ginawang panibagong rollback.
Ayon kay PISTON spokesperson George San Mateo, isang malaking insulto umano sa hanay ng transportasyon at mamamayan ang panibagong 50 sentimos kada litrong bawas presyo sa petrolyo. Dagdag pa ni San Mateo, sa laki umano ng ibinaba ng presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan ay dapat nang ibaba ng mga oil companies sa halagang P44 kada litro ang presyo ng diesel.
Dahil dito, patuloy pa rin silang mangangalampag sa mga opisina ng mga oil companies upang mapagbigyan ang kanilang kahilingan na isang bigtime rollback dahil ayon sa PISTON $61 kada bariles na ang ibinagsak ng presyo ng krudo sa world market simula ng pumalo ito sa pinakamataas na $147 kada bariles noong buwan ng Mayo pero tila bingi pa rin ang mga kompanya ng langis na ibalik ito sa dating presyo na P44 kada litro. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending