Naglaan ang Federation of Filipino-Chinese Chamber of Commerce Industry ng P50,000 pabuya sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng suspek na pumatay sa isang turistang Chinese national sa Binondo, Manila noong nakaraang linggo.
Ito ang inihayag kahapon ni Manila Police District Director Chief Superintendent Roberto Rosales makaraang makipagpulong sa kanya ang mga opisyal ng FFCCCII at pamilya ng biktimang si Wu Shou Bang, 21-anyos.
Hininalang pumatay kay Wu ang isang store helper na si Jonas Basas, 27, na nakaaway niya bago naganap ang krimen.
Nabatid na dumating sa bansa bilang turista si Wu noong Marso 20 pero nagtrabaho pansamantala bilang manedyer sa tindahan ng kanyang tiyuhin sa Binondo.
Makaraang paslangin si Wu, tinangay din umano ng suspek ang lap top, cellphone at P1,000 cash ng biktima. (Nestor Etolle)