Kinasuhan na kahapon ng paglabag sa Anti-Fencing Act sa Manila Regional Trial Court ang isang lalaking nagbebenta ng nakaw na laptop sa pamamagitan ng kanyang website na naunang naaresto sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation kamakailan.
Sinabi ni Assistant City Prosecutor Viven C Andino na may probable cause upang sampahan ng kaso si Delver E. Dizon, residente ng #153 Reparo St., Baesa, Caloocan City.
Inirekomenda ng piskal ang P36,000 piyansa para sa pansamantalang paglaya ni Dizon.
Nauna rito, napaulat na inianunsyo ni Dizon sa internet ang ibinibenta niyang isang laptop na lumilitaw na pag-aari ng isang Atty. Virgilio D.C. Herce.
Nagreklamo sa NBI si Herce nang mabasa niya sa website ni Dizon ang ibinebenta nitong laptop na lumilitaw na siyang ninakaw sa kanya.
Ayon kay Herce, ninakaw sa kanyang van na nakaparada sa isang gasolinahan sa Magallanes Village, Makati City noong Agosto 7 ng taong ito ang dalawa niyang laptop na Toshiba Qosimo. (Ludy Bermudo)