isang umano’y tomboy na criminology student ang nagbaril sa sarili at namatay nang hindi siya mapatawad ng live-in partner na nagselos sa pakikipagkita niya sa isa niyang dating nobya sa isang binyagan sa Tondo, Manila kahapon ng madaling-araw.
Binawian ng buhay sa Mary Johnston Hospital ang biktimang si Ma. Eleanor dela Cruz, dalaga, at residente ng #526 Mel Alcayde St., Tondo.
Sa ulat ni Det. Edgardo Ko ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-12:40 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa loob ng kuwarto ng biktima at nang live-in partner nitong si Heidi Arnaldo, 20.
Nabatid na nagkaroon ng pagtatalo sina dela Cruz at Arnaldo nang matuklasan ng huli na kasama ng una ang dati nitong nobyang si Eda sa nasabing binyagan.
Nagalit at nanumbat ang nagseselos na si Arnaldo. Hindi nito kinibo ang biktima kahit humihingi ito ng tawad.
Umabot na umano ng madaling-araw na matigas pa rin ang loob ni Arnaldo hanggang maisipan ni dela Cruz na kunin ang baril nito at paputukan ang sariling sentido sa harap ng una.
Pinaniniwalaang ipinakita lamang ng biktima na sinsero siya sa kanyang paghingi ng tawad kaya sa harap ng nobya ito nagpakamatay.