Holdapan dadami
Muling nagbabala kahapon ang Quezon City Police District sa publiko na mag-ingat dahil inaasahang darami ang mga holdapan at nakawan habang papalapit ang Kapaskuhan.
Sinabi ni QCPD Director Senior Superintendent Magtanggol Gatdula na kasalukuyang nakatutok ang kanilang puwersa sa pagbabantay sa mga itinuturing nilang “hotspot” na mga lugar na paboritong atakihin o paglunggaan ng mga kriminal.
Nakatakda rin ang pagkakabit ng QCPD ng 15 (closed circuirt television) sa kahabaan ng Commonwealth Avenue na idineklarang SB Zone (Discipline Zone) habang nakikipag-ugnayan rin sila sa mga negosyante ng Timog-Morato Business Area at E. Rodriguez Avenue para maglagay ang mga ito ng sarili nilang CCTV camera maging sa mga kalsada upang matulungan sila sa paglaban sa kriminalidad.
Sinabi ni Gatdula na nakapagtala sila ngayon ng sunud-sunod na insidente ng panloloob sa mga kabahayan. Wala pa namang opisyal na datos ang QCPD sa pagtaas ng antas ng krimen ngunit inaasahan nila na mababatid ito sa paglulunsad nila ng “E-Blotter”, isang computer program database na layong mabatid ang bilang ng krimen at kung saan pinakamadalas maganap ito.
Sa ulat ng QCPD-Station 7 (Cubao), hinoldap ng tatlong armadong lalaki ang JMK bus kung saan nagawang limasin ng mga ito ang mahahalagang gamit ng mga pasahero.
Nabatid na nagdeklara ng holdap ang mga suspek sa may tapat ng Corinthian Garden sa EDSA at bumaba pagsapit sa Cubao. Agad namang iniulat ng mga pasahero ang panghoholdap ngunit nabigo ang pulisya na masakote ang mga suspek. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending