20-taon sa Chinese na dawit sa droga
Pinapurihan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang huwes ng Manila Regional Trial Court matapos na sintensiyahan ng 20 taong pagkakulong ang isang Chinese national na nadakip sa isang buy-bust operation noong taong 2002.
Ikinatuwa ni PDEA Director General Sr. Undersecretary Dionisio Santiago ang hatol na ibinaba ni Manila RTC branch 35 Judge Eugenio Mendinueto na nag-utos na makulong ng hanggang 20 taon ang akusadong si Rudy Abaya Ong. Bukod dito, pinagmumulta rin si Ong ng P.5 milyon bilang danyos matapos na mapatunayang nagkasala sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Base sa rekord ng PDEA, nadakip si Ong noong Mayo 11, 2002 ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 9 sa isang buy-bust operation kung saan nakuha sa posesyon nito ang 490 gramo ng shabu.
Pinapurihan rin naman ni Santiago si Manila City Prosecutor Jovencio Senados dahil sa pangunguna sa pagsisiyasat sa kaso at ang mga tauhan ng Legal and Prosecution Service (LPS) ng PDEA. Ang LPS ang nagmo-monitor ng mga kaso sa mga korte ukol sa iligal na droga sa ilalim ng Project Court Watch upang matiyak na mapaparusahan ang mga suspek at hindi makalusot sa kamay ng batas. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending