Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang 39-anyos na volunteer traffic enforcer ng pinaghihinalaang “tripper” kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila.
Hindi na umabot nang buhay sa Gat. Andres Bonifacio Hospital sanhi ng mga saksak sa katawan ang biktimang si Rodolfo Sabater ng Tandang Sora St. Quezon City .
Inilarawan naman ang suspek na may edad na 30-32 anyos, may taas na 5’4’’ hanggang 5’5’’, nakasuot ng kulay itim na sando at short pants at armado ng patalim.
Sa inisyal na ulat, dakong alas-7 ng umaga nang maganap ang insidente sa panulukan ng Claro M. Recto Ave., at Juan Luna St., Tondo. Bago maganap ang insidente nabatid na nagmamando ng trapiko ang biktima sa naturang lugar habang ang suspek ay sumabit sa likurang bahagi ng isang delivery van at paglapit nito sa una ay walang sabi-sabing inundayan ito ng saksak sa katawan.
Matapos ang pananaksak ay tumakas ang suspek sa direksiyon ng Padre Rada St., na tila walang nangyari.
Nabatid na ang biktima ay mahilig umanong magmando ng trapik kaya madalas umano itong nakikita kahit saan kaya hinala ng pulisya na napagtripan lamang ito ng suspek na posible rin naaasar tuwing nakikitang nagpapakitang gilas ito sa pagtra-trapik. (Gemma Amargo-Garcia)