Niliwanag ni Quezon City Mayor Feliciano “SB” Belmonte na ang kanyang administrasyon ay patuloy na magkakaloob ng trabaho sa mga senior citizen upang manatiling produktibo ang mga ito habang sila ay nagkakaedad.
Binigyang diin ni Belmonte na ang paglalaan ng hanapbuhay sa mga matatanda sa lunsod kahit na part time o full time basis ay malaking tulong sa mga ito upang mapunan ang ibang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Ang proyekto ng city government para sa mga elderly ay tinawag na senior citizens volunteer program na binuo ng city government noong 2003.
Sa ngayon, ang city government ay may 200 senior citizen na nagtatrabaho bilang caregivers sa mga health centers, caretakers para sa day care centers at tutorial services.
“We have to give them something to test their mind. Marami pang magagawa ang mga senior citizens,” pahayag ni Belmonte.
Malaki rin ang paniwala ni Belmonte na ang ibang lokal na pamahalaan ay gagawin din ang naturang programa at ipatutupad ito ng Kongreso para maging isa itong ganap na batas laan sa mga senior citizen sa buong bansa.(Angie dela Cruz)