2 container van, gagawing court room
Para sa mabilisang pagdinig sa mga kaso, pinasinayaan kamakalawa ang dalawang container van na ginawang mobile court sa covered court ng Old Bilibid compound, sa Manila City Jail, Sta Cruz, Maynila upang doon na gawin ang mga pagdinig sa mga kasong nakabimbin na kinakaharap ng mga bilanggo.
Sinabi ni Manila Mayor Alfredo S. Lim na sa pamamagitan ng nasabing mobile courts,matututukan na ang mga kaso ng mga preso partikular ang mga nabuburong kaso dahil sa kawalan ng abugadong nag-aasikaso at ang ilan ay lumalagpas na sa dapat na panahong ipagsilbi sa sentensiya.
Bukod pa rito, maalis na rin ang panganib sa pagbibiyahe ng mga bilanggo na kung minsan ay nauuwi sa trahedya tulad ng pangho-hostage at pang-aagaw ng baril mula sa mga escort o pagtakas.
Anang alkalde, mismong ang hukom na, piskal at abogado ng mga akusado ang pupunta sa MCJ para sa nakatakdang mga pagdinig.
Pinasalamatan ng alkalde si International Container Services Inc (ICTSI) President at Chairman of the Board Enrique K. Razon sa pagkakaloob ng mobile courts.
Ang inisyatibong ito ni Lim ay kauna-unahang proyekto sa 17 local government units para sa kapakanan ng mahihirap na bilanggo at bilang pagtugon sa programa ni Supreme court Chief Justice Reynato Puno sa ‘Justice on Wheels’ na may layuning mapabilis ang proseso sa pagbibigay ng katarungan. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending