Dalaga pumalag sa holdap, kritikal
Nasa kritikal na kondisyon ang isang 25-anyos na dalaga matapos na manlaban sa isang holdaper na nagtangkang kunin ang kanyang cellphone, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Siyam na saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tinamo ng biktimang si Sheilla Torlao, dalaga, ng Clinman Court Bldg., Burgos St., Pasay bago tuluyang binitiwan ang hawak na Nokia model 6070 na nagkakahalaga ng P2,800 na puwersahang kinuha sa kanya ng arma dong suspect.
Kaagad namang isinugod sa Pasay City General Hospital si Torlao na hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa ring nasa kritikal na kondisyon.
Nadakip naman sa ginawang follow-up operation ng pulisya ang suspect na si Wilmar Esmeria, 19, tricycle driver, ng #2553 Zamora St., Pasay city matapos matunton sa isang eskinita sa F. Fernando St.at nabawi sa kanya ng pulisya ang kinulimbat na cellphone sa biktima.
Batay sa ulat, hawak ang cellphone at nagte-text habang naglalakad ang biktima dakong alas-8:40 ng gabi nang tutukan ito ng patalim ng suspek at magdeklara ng holdap.
Sapilitan umanong hiningi ni Esmeria ang hawak na cellphone ng dalaga subalit tumanggi ito at nanlaban kaya’t inundayan siya ng sunud-sunod na saksak ng suspect.
Duguang bumulagta ang biktima kaya’t lumuwag na ang pagkakahawak niya sa cellphone hanggang sa tuluyan na itong makuha ng suspect. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending