Apat na kilabot na holdaper ang naaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District matapos na salakayin ang kanilang pinagtataguang kuta sa Caloocan City.
Iprinisinta kahapon ni P/Sr. Supt. Magtanggol Gatdula, hepe ng QCPD, ang mga suspek na sina Fernando Cagoco, 36; Bernardino Manipol, 32; Angelito Pangan, 42; at Tirso Picardal, 37, pawang mga nanunuluyan sa Road 6, GSIS Village, Brgy. Talipapa, Caloocan City.
Ayon sa ulat, positibong kinilala ang mga suspek ng kanilang mga nabiktima sa ginawang panghoholdap sa CATGAS sa Visayas Avenue, Quezon City nitong nakaraang Hunyo 30 kung saan natangay ang P1.8 milyon salapi.
Ang mga ito rin ang responsable sa panloloob sa RC Cola sa Novaliches, Quezon City nitong Abril 14 at pagpasok sa isang sanglaan sa Forest Hill Subdivision sa Forest Hill, ng naturang lungsod.
Matapos na matukoy ang pinagtataguang bahay base sa intelligence gathering, agad na sinalakay ng pulisya ang naturang lungga sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng mga korte sa Malolos, Bulacan at Mabalacat, Pampanga.
Narekober ng pulisya sa naturang pagsalakay ang isang gray Toyota Corolla (TTF-330), isang maroon na Honda Civic (UHS-858); acetylege equipments, mga identification card ng Department of Transportation and Communications (DOTC) na nakaisyu sa isang Fernando Altizo; tatlong itim na t-shirt na may tatak na PNP at tatlong sombrero ng PNP.
Sinabi ni Gatdula na nagpapanggap umano ang mga suspek na mga pulis tuwing manghoholdap kung saan pinalalabas ng mga ito na lehitimong police operations ang kanilang ginagawa.
Dito nagbabala si Gatdula sa publiko lalo na sa mga negosyante at mga security guard ng mga establisimento na mag-ingat sa naturang modus-operandi kung saan dapat na tiyakin muna na mga tauhan talaga ang mga ito ng PNP bago papasukin sa kanilang negosyo.